CAUAYAN CITY – Mahigit kalahating milyong pisong cash at halaga ng mga alahas, baril at cellphone ang natangay sa naganap na robbery sa Bugallion Norte, Ramon, Isabela.
Ang biktima ay si Rodolfo Cristobal, 31 anyos, may-asawa, isang negosyante at residente ng Purok 4 Bugallon Norte, Ramon, Isabela.
Ang tatlong lalaking suspek ay nakasuot umano ng ninja type na damit at may takip sa kanilang mga mukha ang pumasok sa tahanan ng biktima
Batay sa pagsisiyasat ng Ramon Police Station ang tatlong pinaghihinalaan na mayroong dala dalang homemade caliber na baril ay umakyat sa sementadong poste na nasa tabi ng bahay ng biktima at nakapasok sa pangalawang palapag ng bahay .
Nang makapasok ang mga pinaghihinalaan ay tinutukan ng mga baril ang mga nasa loob ng bahay.
Tinangay ng mga pinaghihinalaan ang humigit kumulang na dalawang daang libong piso, iba’t ibang mga alahas na nagkakalahaga ng humigit kumulang dalawang daang libong piso, cellphone na nagkakahalaga ng animnapong libong piso, isang licensed shotgun na may pitung bala na nagkakahalaga ng limampong libong piso at mga credit cards.
Nagpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga kasapi ng Ramon Police Station upang matukoy ang tatlong pinaghihinalaan.