CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit P100,000 na halaga ng mga uncertified products ang sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Alibagu, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer-In-Charge Provincial Director Ramil Garcia ng DTI Isabela, sinabi niya na ang nasabing mga produkto ay nasamsam sa mga isinagawang monitoring ng DTI sa mga establishments sa lalawigan sa loob ng isang taon.
Aniya aabot sa 4,572 na mga produkto ang kanilang nakumpiska at may katumbas itong halaga na aabot sa P111,312.
Karamihan sa mga sinirang produkto ay mga electrical products tulad ng electric kettle, bulb, clip fan, heater, blender, plantsa, electric mixer at lighter.
Tinig ni OIC Provincial Director Ramil Garcia.
Kapag may nakitang paglabag ang isang negosyante sa mandatory product certification o ang PS Quality and/or Safety Certification Mark Licensing Scheme at ICC Certification Scheme ay pinapaalalahanan nila ang mga ito bago kumpiskahin at maglalabas sila ng notice of violation.
Kapag malalaki naman ang mga produkto at hindi agad madala sa kanilang tanggapan ay lalagyan ng seal ang mga ito upang hindi na maibenta ng may ari.
Pinapaalalahanan naman ang mga konsyumer na bumili lamang ng mga produktong may ICC sticker upang makaiwas sa anumang problema tulad ng mga defective na produkto.
Tinig ni OIC Provincial Director Ramil Garcia.