--Ads--

CAUAYAN CITY- Umabot sa P36,654,559 ang inisyal na halagang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Lalawigan ng Cagayan dahil sa pananalasa ng Bagyong ‘Crising’ base sa pinakahuling datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Sa isinagawang monitoring ng OPA, pangunahing nasira ang mga pananim na palay, mais, at high value commercial crops dahil sa malakas na ulan habang ang ilan ay nalubog sa tubig-baha.

Tinatayang may P24,045,634 ang halaga ng mga nasirang palay na karamihan ay nasa reproductive stage o bagong tanim pa lamang, habang ang ilan ay nasa maturity stage mula sa mga bayan ng Aparri, Buguey, Camalaniugan, Gattaran, Lal-lo, Sta. Ana, Alcala, Abulug, Allacapan, Ballesteros, Claveria, Amulung, Enrile, Iguig, Solana, at Tuao.

Apektado rin ang mga alagang isda sa mga fishpond at fish cages na umaabot sa P7,995,700 ang napinsala. Karamihan dito ang tilapia, bangus, alimango, hito, siganid, talakitok, at malaga na mula naman sa mga bayan ng Buguey, Sta. Teresita, Aparri, Gonzaga, at Camalaniugan.

--Ads--

Nasira rin ang high value commercial crops tulad ng gulay, saging, at mga prutas sa Sta. Ana, Sta. Teresita, Abulug, at Lasam na nagkakahalaga ng P2,432,082.

Ang mga nasirang mais na nasa reproductive at seedling stage ay aabot sa P2,181,141 ang halaga mula sa mga bayan ng Alcala, Amulung, Aparri, Enrile, Sta. Teresita, Gattaran, Rizal, Peñablanca, at Baggao.

Sa inisyal ding datos ng OPA, mayroong 4,772 na mga magsasaka at mangingisda sa Cagayan ang lubos na naapektuhan ng bagyong ‘Crising’.

Source: Cagayan Provincial Information Office