CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang high value individual matapos masamsaman ng nasa mahigit apat na raang libong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang pinaghihinalaan ay si alias “James”, 50-anyos, at residente ng Las Piñas City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Manny Paul Pawid, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi niya na nadakip ang pinaghihinalaan matapos na magbenta ng isang heat sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at may tinatayang timbang na limang gramo at may Standard Drug Price na P34,000.
Nakuha rin sa kaniyang pag-iingat ang isang nakarolyong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 grams at nagkakahalaga ng P374,000.
Ang mga nasamsam na shabu ay may kabuuang halaga na P408,000.
Ayon kay PCapt. Pawid, sa pagpasok ng taong 2024 ay ito na ang pinaka-malaking halaga ng iligal na droga na nasamsam nila mula sa isang indibidwal.
Aniya, ang pinaghihinlaan ay nagbebenta ng iligal na droga sa lalawigan ng Nueva Vizcaya maging sa Ilocos Region.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng kapulisan kung sino ang mga binebentahan ng suspek.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Bayombong Police Station ang pinaghihinalaan para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Nanawagan naman si PCapt. Pawid sa publiko na makipagtulungan sa Pulisya upang mapanatili ang katahimikan at kapayapaan ng bayan ng Bayombong.
Tinig ni PCapt. Manny Paul Pawid.