--Ads--

CAUAYAN CITY – Umaabot na sa 325,997 na magsasaka sa Region 2 ang nakapagpatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Marvin Luis, Assistant Chief of Field Operations Division and Rice Program Focal Person ng DA Region 2, sinabi niya na ang RSBSA ay isang pangkalahatang listahan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa at mga kabataan na nasa sektor ng agrikultura.

Ang RSBSA ay kabilang sa proyekto ng DA sa pangunguna ni  Secretary William Dar na layuning matulungan ang Kagawaran na matukoy ang mga magsasakang karapat-dapat na mabigyan ng ayuda.

Aniya, mula 2019 ay ginagamit na ang RSBSA bilang batayan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa pagbibigay ng premium sa crop insurance at loan program ng DA.

--Ads--

Sa kasalukuyan ay nasa 325,997 na ang nakapagpatala sa rehiyon na binubuo ng mga magsasaka sa palay, mais at high value crops kabilang na ang mga Indigenous People at Sugar Regulatory Agency.

Ayon kay Dr. Luis, nag-hire sila ng mga enumerator at dalawang enumerators ang itinilaga sa bawat bayan para magtungo sa mga barangay at tulungan ang LGU sa pagpapalista sa RSBSA.

Ang listahan ay dinadala sa Regional Office at sila ang mag-eencode bago ipasa sa central office ng DA.

Batay sa talaan, marami pang magsasaka ang hindi pa rin nakalista sa RSBSA gayunman ay wala aniyang dapat na ikabahala dahil tuluy-tuloy naman ang registration.

Tinig ni Dr. Marvin Luis.