CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit tatlong daang pamilya ang inilikas dahil sa mga pagbaha na dulot ng tuluy tuloy na pag ulan ayon sa OCD Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Francis Joseph Reyes ng OCD Region 2, sinabi niya na kabado pa ang mga tao dahil sa nakalipas na pagbaha kaya agaran nang nagsilikas ang mga ito.
Aniya umabot na sa tatlong daan at walumput walong pamilya na may kabuuang bilang na 1, 033 na indibidwal ang nailikas dahil sa mga pagbaha sa ibat ibang lugar sa Isabela at Cagayan.
Tatlong daan at tatlumput apat na pamilya naman na may kabuuang 856 na indibidwal ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers habang limamput apat na pamilya na may kabuuang 177 na indibidwal ang pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kamag anak o kakilala.
Ayon sa OCD Region 2 posible pang madagdagan ang bilang ng mga nag evacuate dahil marami na ang nagkukusang lumikas.
Ang Annafunan East at Linao East ang unang naitalang binaha sa Cagayan at Brgy Canan, Namnama at Tandol naman sa bayan ng Cabatuan Isabela.
Mayroon pa namang stock ang DSWD Region 2 at mga LGUs ng mga food packs para sa mga nag evacuate dahil ito ay napaghandaan na pamunuan.
Dahil sa siltation ay mabilis nang umapaw ang mga ilog na epekto ng mga ginagawang illegal logging, illegal mining pati na ang malawakang pagkakaingin.
Ayon pa kay Ginoong Reyes, nasa La NiƱa season narin ang bansa kaya asahan na ang malaking volume ng tubig na babagsak lahat sa mga ilog.
Isa aniya sa naisip na solusyon ng pamahalaan ang malawakang dredging sa mga ilog upang maibsan ang mga nararanasang pagbaha.
Ayon sa OCD Region 2 kailangan ng pagtutulungan ng mga LGUs na may sakop sa mga ilog na kumukonekta sa Cagayan River upang maisagawa ang rehabilitasyon at mabigyang solusyon ang problema sa mga pagbaha.