Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela ang kahalagahan ng mas pinagting na monitoring sa barangay level at sa hanay ng mga enforcers upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent V Jojo Gayuma, Provincial Officer ng PDEA Isabela, sinabi niya na mahalaga ang aktibong pakikiisa ng mga opisyal ng barangay at awtoridad sa patuloy na pagbabantay at pangangalap ng impormasyon laban sa mga ilegal na gawain.
Binigyang-diin din niya na kabilag sa mga mahigpit na minomonitor ang mga parcel o padala na maaaring gamitin bilang paraan sa pagpapalusot ng ilegal na droga.
Gayunman, nilinaw ni Provincial Officer Gayuma na bagama’t may mga kumakalat na impormasyon sa bansa na may mga parcel na naglalaman ng ilegal na droga ay wala pa naman umanon ganitong kumpirmadong kaso sa lalawigan.
Samantala, ipinaliwanag din niya na isa sa mahahalagang requirement upang maideklarang drug free ang isang workplace o munisipalidad ay ang pagiging negatibo ng mga law enforcement unit, at mga opisyal ng barangay.











