CAUAYAN CITY – Mahigpit na seguridad ang inilatag ng pulisya at militar para sa pagdaraos ngayong araw ng special election sa Dicamay I, Jones Isabela.
Layunin nito na hindi maulit ang pagharang noong umaga ng May 14, 2019 sa dumptruck na sinakyan ng mga miyembro ng Electoral Board (EB) at sinunog ang mga bahagi ng dalawang Vote Counting Machine (VCM).
Kasamang nasunog ang sd card ng VCM at 200 na hindi pa nabasang balota mula sa Dicamay I kaya nagpalabas ang Comelec en banc ng resolusyon na idaos ang special election na magsisimula alas sais ng ng umaga at magtatapos mamayang alas sais ng gabi.
Makakatuwang ng puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng seguridad sa halalan ang mga sundalo ng 86th Infantry Battalion Philippine Army na nakahimpil sa Jones, Isabela.
Dahil walang guro ang gustong magsilbing miyembro ng Special Electoral Board (SEB) ay ang mga empleado ng Commission on Elections (Comelec) ang bubuo sa SEB sa pangunguna ni Election Officer Harold Benedict Peniaflor bilang chairman.
Si Asst. Election Officer Edgar Cariaga Jr. ang magsisilbing poll clerk.
.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Provincial Election Supervisor Atty. Michael Camangeg na hindi idineklara ang failure of election sa nasabing barangay.
Ayon kay ni Atty. Camangeg, tanging resulta ng pagboto ng mga miyembro ng Sanguniang Bayan ang maapektuhan ng halalan matapos na maiproklama na ng Municipal Board of Canvassers (MBOC) ang nanalong mayor na si incumbent Mayor Leticia Sebastian habang si incumbent SB member Gaylord Gumpal ang nanalong bise mayor.
Inaasahan na magkakaroon ng pagbabago sa ranking mga kandidato sa pagka-Sangguniang Bayan mula sa ikalima hanggang sa ikawalong puwesto.
Ayon kay Atty. Camangeg, magtutulungan ang puwersa ng pulisya at militar para sa mahigpit na seguridad sa barangay na pagdarausan ng halalan maging ang mga kawani at opisyal ng Comelec na mangangasiwa sa halalan lalo na ang pagdadala ng resulta ng botohan sa munisipyo ng Jones, Isabela.