CAUAYAN CITY – Mahigpit na seguridad ang pinaiiral ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City sa Bancheto dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na kumpleto ang mga nakatalagang personnel sa Bancheto para sa seguridad ng mga tao at katuwang nila ang pulisya at ilang force multipliers.
Kasabay ng pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival ay pinaalalahanan niya ang mga bahay-inuman na may pwesto sa Bancheto na tingnan ng mabuti ang kanilang customer.
Aniya, hindi ipinagbabawal ang pag-inom gayunman kailangang tiyakin ng mga umiinom na hindi sila masasangkot sa kaguluhan.
Paalala rin niya na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang deadly weapon sa Bancheto o anumang pampublikong lugar.
Babala rin niya sa publiko na magsaya lamang at huwag maghanap ng kaguluhan.
Sa katunayan aniya ay may ilang pasaway na silang nahuli at sinita sa unang araw ng pagbubukas ng bancheto at ilan sa kanila ang pinauwi.
Pinayuhan din ang publiko na kung may mangyaring hindi inaasahang pangyayari ay agad itong iulat sa mga PNP personnel na nakatalaga sa lugar para agad matugunan.
Tinig ni POSD chief Pilarito Mallillin.