--Ads--

CAUAYAN CITY – Panalangin ngayon ng mga Muslim na maibalik ang dating sigla ng Marawi City sa Mindanao matapos ang pagkubkob ng Maute ISIS Terror Group noong ng Mayo 23, 2017 na ikinasawi ng daan-daang sibilyan at sundalo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mukhtar Gerifaal ng Muslim Community sa Cauayan City na isa sa kanilang panalangin ngayong pagdiriwang nila ng Eid al-Adha o “Festival of the Sacrifice” na maibalik ang dating sigla at kaunlaran ng Marawi City.

Si Mukhtar Gerifaal ay tubong Marawi City at pansamantalang naninirahan sa Cauayan City, Isabela kasama ng iba pang Muslim dahil sa kanilang pagnanais na magkaroon ng mapayapang pamumuhay at malayo sa kaguluhan.

Ang tinig ni Mukhtar Gerifaal ng Muslim Community sa Cauayan City

Aniya, ipinapalangin din nila ang mga kapwa nila Muslim na makapamuhay nang tahimik at mapayapa at mahadlangan ang mga maling gawain na taliwas sa pananampalatayang Islam.

--Ads--

Sinabi pa ni Mukhtar na ang Eid al-Adha ang ikalawang mahalagang Islamic holiday na ipinagdiriwang ng mga Muslim kada taon.

Ito ang pag-alala sa pagsunod ni Abraham sa kautusan ni Allah sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aalay ng kaniyang anak para ipakita ang masidhing pagmamahal sa Panginoon.

Ang mga Muslim aniya ay obligadong magkatay ng mga hayop tulad ng kambing at baka para ialay kay Allah at ipamamahagi ito sa mga mahihirap Muslim para makamit ang pagpapala mula kay Allah.

Aniya, panahon ito ng pagtitipon at pagbibigay ng kapatawaran ng mga magkakamag-anak na Muslim.

Ang tinig ni Mukhtar Gerifaal ng Muslim Community sa Cauayan City

Milyun-milyong Muslim ang nagtutungo sa pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia na pinaniniwalaang tahanan ng Panginoon.

Sa Cauayan City ay nagtungo sa Muslim Center sa San Fermin, Cauayan City ang mga opisyal ng Philippine Air Force, Cauayan City Police Station at mga opisyal ng barangay at pamahalaang lunsod ng Cauayan para batiin ang mga Muslim at personal na iparating sa kanila ang mensahe ng kapayapaan.