CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisiyasat ng Echague Police Station sa motibo ng pamamaril sa maintenance foreman ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 ng riding in tandem suspect sa national highway na nasasakupan ng barangay San Fabian, Echague, Isabela.
Ang nasawi ay si Jerry Benedicto,46 anyos, may-asawa at residente ng Phase 2, Pinzon Subdivision San Fabian, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Inspector Edgar Pagulayan, Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na patuloy ang kanilang pagsisiyasat para magkaroon ng lead o gabay kung anong motibo sa krimen.
Susuriin din aniya kung may kinalaman ito sa kaniyang trabaho at kung mayroong banta sa buhay ni Benedicto sa pamamagitan ng nakuhang cellphone ng biktima.
Susuriin din kung may CCTV camera malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Matatandaan na binaril si Benedicto habang sakay ng Ford Everest ng hindi pa nakikilalang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na
kaagad tumakas.
Dinala sa ospital ang biktima ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 6 na basyo ng Cal. 45 na baril at isang slug.