Nakapagtala ng bagong Guinness World Record ang isang makeup artist mula sa U.K. matapos niyang balutin ang buong katawan niya ng libu-libong rhinestones.
Ang artist na si Holly Murray ang naging pinakabagong record holder para sa titulong “Most Rhinestones on the Body” matapos gumamit ng 74,880 piraso ng rhinestones. Ginawa niya ito para sa kanyang paglabas sa Italian TV show na Lo Show dei Record.
Ayon kay Holly, tumagal ng 15 oras ang buong proseso ng pagdidikit ng mga rhinestones, katuwang ang anim na miyembro ng kanyang team. Upang matiyak na talagang “head-to-toe” ang makeover, nagsuot pa siya ng bald cap para mapalagay din ang mga bato sa kanyang ulo.
Sulit naman ang kanilang pagod nang umapir si Holly sa entablado, na agad na umagaw ng pansin dahil sa kanyang nakakasilaw na kislap sa ilalim ng mga ilaw.
Ang bagong record ni Holly ay mahigit doble sa dating record na hawak ni Federica Ceracchi noong 2010, na may 33,139 rhinestones lamang.
Si Holly ay isang self-taught makeup artist na may higit sa dalawang milyong followers online, kilala sa kanyang mga malikhaing makeup transformations at mga nakamamanghang Halloween looks.











