--Ads--

CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng ilang mga botante partikular ang mga bomoto kaninang umaga ang malabo at malabnaw na indelible ink na gamit ng Comelec Cauayan.

Batay sa reklamo ng mga botante tila invisible ang tinta na inilagay sa kanilang daliri dahil hindi ito nakikita gayundin na mabilis lamang itong mabura.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa ilang Deped Supervisor na nakatalaga sa ilang Paaralan sa Lunsod ng Cauayan kanilang inihayag na naitala rin ang parehong reklamo sa iba pang mga polling precincts sa Cauayan City dahil sa malabo at malabnaw na indelible ink.

Sa kabila nito ay ipinagpatuloy nila ang halalan batay na rin sa payo ni City Election Officer Atty. Johanna Vallejo subalit itinala nila ito sa kanilang report.

--Ads--

Ayon kay DepEd Supervisor Mary Ann Santos ang indelible ink na unang nagamit sa mga botante na bumoto kaninang alas-5 ng umaga ay walang matingkad na kulay hindi gaya ng ink na ginamit noong nakaraang halalan.

Samanatala, may paglilinaw na rin ang Comelec Cauayan City kaugnay sa malabong indelible ink.

Ayon kay Atty. Johanna Vallejo may iba’t ibang factor kung bakit may ilang indelible ink ang may malabong kulay.

Sa kabila ng reklmao ay agad na tumugon ang Comelec Cauayan City at mabilis na ipinamahagi ang kanilang contingency bottles ng indelible ink na mula pa sa Comelec Provincial Office sa 131 clustered precincts ng Cauayan City.