--Ads--

Mariing itinanggi ng Malacañang ang kumakalat na umano’y “pekeng police report” na nag-uugnay kay Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco.


Sa isang press briefing ngayong Lunes, Hulyo 15, binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Atty. Claire Castro na walang katotohanan ang nasabing ulat na unang lumabas sa social media.


Ang reaksyong ito ay kasunod ng opisyal na ulat mula sa Los Angeles County Department of Medical Examiner, kung saan nakasaad na ang sanhi ng pagkamatay ni Tantoco ay “cocaine effects” na pinalubha ng posibleng sakit sa puso o “probable atherosclerotic cardiovascular disease.”


Samantala, isang umano’y ulat mula sa Beverly Hills Police Department ang kumalat sa social media, kung saan sinasabing natagpuan si Tantoco habang nire-resuscitate ng security ng Beverly Hilton Hotel noong Marso 8.

--Ads--


Binanggit din sa “report” na kasama umano ni Tantoco sa hotel sina Araneta-Marcos, aktres na si Alexa Miro, at ang kanyang asawang si Dina Arroyo-Tantoco, na kasalukuyang Deputy Social Secretary sa Palasyo.


Itinanggi naman ni Castro ang mga detalye ng dokumento.


Giit ni Castro kung titingnan ang sinasabing report ng Beverly Hills Police Department makikita na ang may guhit na kulay pink doon ay dinagdag lamang.


“Mula sa salitang ‘and the cause initially suspected to be drug overdose’ hanggang sa salitang ‘Miro’, lahat po ‘yan ay hindi bahagi ng orihinal na dokumento,” dagdag pa niya.


Ayon pa kay Castro, hindi kasama si Tantoco sa entourage ni Araneta-Marcos sa kaniyang biyahe sa Amerika, at magkaibang hotel umano ang kanilang tinuluyan.


Taliwas ito sa naunang ulat ng Hollywood LA News, kung saan sinabing kasama raw ng First Lady si Tantoco sa promotional events ng Manila International Film Festival mula Marso 4 hanggang 7.


Upang suportahan ang kanilang pahayag, ipinakita ng Palasyo ang isang larawan ni Araneta-Marcos habang nasa “Konsyerto Para sa Pilipino” sa Maynila noong Marso 8 — ang parehong araw ng pagkamatay ni Tantoco.


Sinabi pa ng tagapagsalita ng Palasyo na ang nasabing fake report ay gawa ng mga tinawag niyang “obstructionists” o mga taong layuning sirain ang imahe ng Unang Ginang, ng Pangulo, at ng administrasyon.


Dagdag pa ni Castro, pinag-aaralan na ng Palasyo ang posibilidad na magsampa ng legal na reklamo laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.


Samantala, nanawagan si Senadora Imee Marcos na maglabas ang Palasyo ng komprehensibong ulat tungkol sa pagkamatay ni Paolo Tantoco, upang tuldukan na ang mga haka-haka.


Ngunit sagot ni Castro sa panawagan ng senadora, “Nakakalungkot dahil ang mga pribadong taong nagluluksa ay nadadamay sa pamumulitika. Nakakahiya ang kanilang mga ginagawa.”


Kinumpirma ng pamilya na pumanaw si Paolo Tantoco noong Marso 9 subalit wala pang detalyeng inilabas sa publiko noon sa sanhi ng kanyang pagkamatay.