--Ads--

Iginiit ng Malacañang na walang oil crisis sa Pilipinas kahit na tumaas ang presyo ng petrolyo, at nilinaw na ito ay isang “price disruption” lamang na bunga ng sitwasyon sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sapat ang suplay ng langis sa bansa at hindi ito maituturing na krisis. Paliwanag niya, may dalawang uri ng krisis—krisis sa suplay at krisis sa presyo.

Sa kasalukuyan, ang suplay ng langis ay hindi apektado, ngunit maaaring maranasan ang price disruption dahil sa nangyayaring krisis sa Middle East.

Gayunpaman, ramdam na ng mga motorista ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis mula ikalawang linggo ng Marso, at may ilang retailer ang nag-ulat ng limitadong suplay ng diesel.

--Ads--

Tiniyak ng Department of Energy na may sapat na imbentaryo ang bansa na maaaring tumagal hanggang 50 araw, kabilang ang inaasahang darating na suplay.

Samantala, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang magbibigay sa kanya ng emergency powers upang mabawasan o masuspinde ang excise tax sa langis.

Ayon sa kanya, naghahanap ang pamahalaan ng alternatibong mapagkukunan ng petrolyo upang maibsan ang epekto ng krisis sa Middle East.