--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinihintay ng mga pinuno at kawani ng isang malaking minahan sa Didipio, Kasibu,Nueva Vizcaya ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan nilang ma-renew ang kanilang kontrata.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Wendy Aliguyon Nicano, Community Relations Officer ng OceanaGold Philippines Incorporated (OGPI) na ang kanilang aplikasyon ay inindorso sa tanggapan ng Pangulo ni Secretary Roy Cimatu ng DENR.

Natugunan nila ang lahat ng mga kailangan kaya nasa pangulo ang pagpapasya kung sang-ayunan o hindi ang kanilang aplikasyon.

Sakali man aniyang tanggihan ang kanilang aplikasyon ay wala silang magagawa kundi sumunod.

--Ads--

Samantala, hinamon ni Nicano ang mga nag-aakusa sa kompanya ng maraming paglabag na puntahan sila sa barangay Didipio at tingnan kung talagang napinsala ang kapaligiran.
Aniya, dinadalaw sila ng mga environment regulators at nakita nila ang malaking pagbabago sa kabuhayan ng mga residente ng Didipio tulad ng pagkakaroon nila ng trabaho at mga naayos na daan.

Ayon kay Nicano, mahigit 1,500 kawani ang direktang maaapektuhan kapag naipasara ang minahan.

Iginiit niya na kung nakikita nila na abusado ang minahan ay sila mismo na taga-Didipio ang magpapalayas.

Ang sinasabing ilog aniya na nasira ay hindi galing sa operasyon ng minahan.

Gayunman, totoo ang sinasabing nagkaroon ng kakulangan ng tubig dahil nang mag-umpisa ang minahan ay iilan lamang ang nakatira sa barangay ngunit ngayon ay libu na.

Ginagawa ngayon ang malaking water system na pinondohan ng malaking halaga ng mining company at 36% nang kumpleto.

Binigyang-diin ni Nicano na dulot ng minahan ang malaking pag-unlad sa kanilang barangay na nasa boundary dispute ng Quirino at Nueva Vizcaya.

Pinili nila ang Nueva Vizcaya ngunit ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan mismo ang nais na maipasara ang minahan.

Matatandaang noong Huwebes ay nagsagawa ng rally ang iba’t ibang grupo na tutol sa pagpapalawig ng kontrata ng OGPI dahil sa iginigiit nilang paglabag ng minahan at pagkasira ng kalikasan sa lugar kung saan sila nagmimina.