Pinuri ng IBON Foundation ang inilabas na panukalang badyet para sa 2026 ng Bicameral Conference Committee, kung saan lumalabas na ang education sector ang may pinakamataas na alokasyon ng pondo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi niyang nararapat lamang na bigyan ng malaking pondo ang edukasyon, kalusugan at pabahay. Gayunman, iginiit niyang sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mahalaga ring maglaan ng sapat na ayuda para sa mamamayan.
Ayon kay Africa, nagiging problema rin umano na minsan ay natatabunan ng paglaki ng badyet sa edukasyon at kalusugan ang mas malalaking isyu tulad ng daan-daang bilyong pisong pork barrel at confidential at intelligence funds. Aniya, nananatili pa rin sa P4.6 bilyon ang confidential at intelligence funds ng Pangulo.
Dagdag pa niya, pinuna rin ng kanilang hanay ang desisyon ng Kongreso na magdagdag ng P10 bilyon sa badyet ng Office of the President, gayundin ang pagdaragdag ng P1 bilyon sa sariling badyet ng Senado.
Samantala, sinabi ni Africa na kabilang sa may pinakamalaking nakaltasan ng pondo ang mga flood control projects. Gayunman, iginiit niyang hindi lamang sa flood control nagkakaroon ng korapsyon at pork barrel, kundi maging sa mga proyekto tulad ng tulay, kalsada at gusali.
Batay umano sa kanilang pagbabantay sa bicameral conference, pabago-bago ang alokasyon ng mga badyet at pinagbigyan ang iba’t ibang ahensiya, dahilan upang maging magulo at sobra-sobra ang proseso.
Inihayag din ni Africa na hindi pa umano inilalabas ng pamahalaan ang lahat ng impormasyong kinakailangan upang masuri nang mabuti ang mga proyekto, kabilang na ang kumpletong listahan ng mga badyet na inaprubahan ng Pangulo.
Bagama’t ikinatuwa ng IBON Foundation ang ilang pagbabago sa panukalang badyet sa antas ng BICAM, naniniwala silang marami pang isyu ng korapsyon ang hindi pa nalalantad. Aniya, hindi lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) may ganitong problema kundi maging sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Transportation (DOTr), Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Energy (DOE), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Justice (DOJ).
Ipinagtataka rin ng kanilang hanay kung bakit patuloy na dinaragdagan ang badyet ng ilang ahensiya, na aniya’y tila ginagamit lamang bilang “smokescreen” upang maisulong ang iba pang agenda.
Sa huli, nanawagan si Africa sa publiko na maging mapanuri at mapagmatyag. Aniya, habang maaari umanong magdiwang ngayong holiday season, dapat pagsapit ng bagong taon ay igiit ng mamamayan ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno at pumili ng mga lider na tunay na naglilingkod at hindi minamaliit ang kakayahan ng taumbayan na mabuhay sa kakarampot na halaga.











