Sosolusyunan ang mga problemang lumitaw sa isinagawang Inspection sa watershed area ng Magat Dam tulad ng polusyon sa tubig at mga palutang lutang na mga basura na ikinadismaya ng mga opisyal.
Ginawa ang inspection kasabay ng isinagawang convergence meeting na pinangunahan ni NIA Administrator Benny Antiporda, mga opisyal ng NIA, DENR, PENRO, LGU Ramon at Cordon, DILG at mga pribadong sektor upang pag-usapan ang umano’y problema sa Magat Dam tulad ng polusyon ng tubig.
Inihayag ni NIA Administrator Benny Antiporda na dapat nang kumilos at magtulungan ang iba’t ibang ahensya at pribadong sektor upang baguhin ang imahe ng Magat Dam.
Isa sa pinakaunang gagawin umano ng ahensya ang dredging sa Dam o paghuhukay upang mas lalo itong lumalim.
Bibigyan din umano ng mas maayos na puwesto ang mga mangingisda na umaasa sa Magat Dam upang hindi na maging pakalat-kalat ang kanilang mga fish cages.
Aniya marami umanong buhay ang nakasalalay sa dam kaya’t dapat na umano itong pagtuunan ng pansin upang hindi ito tuluyang masira.
Samantala, nagpasalamat si Mayor Jesus Laddaran ng Ramon, Isabela dahil sa pagbibigay atensyon sa nakakaalarma nang pagdumi ng tubig sa Magat Dam.
Oras na anya para proteksiyunan ang dam lalo’t ito ang pinagkukunan ng tubig sa halos kabuuan ng Rehiyon Dos at Cordillera Administrative Region o CAR.
Sinabi naman ni Regional Executive Director ng DENR Region 2, Gwendolyn Babaran na pababa nang pababa ang water quality sa Dam.
Ayon sa kanya unti-unti nang nasisira ang dam dahil sa polusyon kaya’t dapat na itong tutukan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Isa umano sa suliranin ng dam ay ang napakaraming mga basura na nagmumula sa upstream na dapat umanong tugunan bago pa tuluyang makontamina ang tubig.
Inihayag din ng pinuno ang iba’t ibang rehabilitation program upang isalba ang Magat Dam kabilang dito ang pagsusuri sa mga naninirahan sa watershed ng dam at mga nagkalat na fish cages.
Siniguro naman ni 4th District Congressman Joseph Tan na paglalaanan nila ng pondo ang rehabilitatasyon sa Magat Dam.