CAUAYAN CITY – Pahirapan ang pag-apula sa malawakang forest fires na naganap kahapon sa dalawang barangay sa Dupax Del Norte.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa BFP Dupax Del Norte, naging puspusan ang kanilang pag-apula sa forest fires kasama ang mga kawani ng PENRO Nueva Vizcaya at CENRO Dupax Del Norte sa Barangay Munggia at Brgy. Bitnong.
Humiling sila ng back up sa iba pang karatig na bayan dahil sa lawak ng apektadong lugar.
Ayon sa BFP Dupax Del Norte pahirapan ang pag-apula sa apoy dahil mahangin sa lugar at karamihan sa mga puno at damong nasusunog ay tuyo na dahil sa init ng panahon.
Batay naman sa salaysay nii Ginoong Rodrigo Sanchez, residente ng Barangay Muggia, Dupax Del Norte, nagsimula ang sunog pasado alas nuebe ng umaga kahapon at nasunog ang nasa apatnapung ektarya ng bundok. naapula ang apoy ngunit pagsapit ng alas dos ng hapon ay nagsimula muli ang apoy.
Patuloy na inaalam ng BFP Dupax Del Norte ang pinagmulan ng sunog.