--Ads--

Nanawagan si House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Representative Miro Quimbo ng isang malalim na imbestigasyon sa umano’y lumalalang malawakang smuggling ng sigarilyo sa bansa, kasunod ng pagkakasabat sa 32 trak ng smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2.6 bilyon noong Enero 1, 2026.

Dahil dito, inihain ni Quimbo ang House Resolution No. 636 na humihiling sa mga kaukulang komite ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation upang matukoy ang mga kahinaan sa pagpapatupad ng batas at makapagbalangkas ng mas epektibong panukala laban sa smuggling.

Ayon kay Quimbo, ang nasabat na kargamento ay katumbas ng ₱875.16 milyong nawawalang buwis, na aniya’y patunay na nananatiling seryosong suliranin ang ilegal na kalakalan ng sigarilyo. Binanggit din niya na noong 2023, tinatayang ₱25.5 bilyon ang nalugi sa koleksyon ng excise taxes dahil sa illicit tobacco trade.

Binigyang-diin ng mambabatas na pinahihina ng smuggling ang sin tax reforms, pinapababa ang presyo ng sigarilyo, at mas pinadadali ang access nito lalo na sa kabataan at mahihirap.

--Ads--

Layunin ng House Resolution 636 na suriin ang epektibong pagpapatupad ng umiiral na mga batas, ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, at ang mga parusa laban sa mga sangkot sa smuggling, upang mapalakas ang kampanya laban sa smuggling at magsilbing batayan ng mga panibagong batas.