Opisyal nang matatapos sa Marso 31 ang mandato ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ayon kay ICI Chairman Justice Andres Reyes. Sinabi niya na naniniwala siyang natupad na ng komisyon ang kanilang tungkulin matapos maisumite sa Office of the Ombudsman ang lahat ng dokumento, ebidensya, at impormasyon na kanilang nakalap sa isinagawang imbestigasyon.
Ayon kay Reyes, layunin ng komisyon na magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga ulat ng umano’y maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaan na pinaghihinalaang may iregularidad sa implementasyon at paggastos ng pondo.
Matatandaang itinatag ang komisyon upang siyasatin ang mga alegasyon ng overpricing, ghost projects, at hindi maayos na pagpapatupad ng mga flood control structures, na naglalayong maiwasan ang pagbaha ngunit umano’y hindi naging epektibo sa ilang lugar.
Sa loob ng halos apat na buwan, nagsagawa ang komisyon ng pangangalap ng dokumento, pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan, at pagsusuri sa mga ulat na may kaugnayan sa mga nasabing proyekto. Nitong nakaraang Enero, unti-unti nang nagbitiw sa kanilang posisyon ang ilang miyembro o commissioners ng komisyon, dahilan upang lalong mapabilis ang pagtatapos ng kanilang mandato.
Sa kabila nito, iginiit ni Reyes na naisakatuparan ng komisyon ang kanilang tungkulin at ang mga natuklasan nila ay magsisilbing batayan ng Ombudsman sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga indibidwal o opisyal na mapatutunayang may pananagutan sa mga umano’y anomalya sa mga flood control projects.










