
CAUAYAN CITY – Ipinapatupad na ngayon sa Hong Kong ang Mandatory Swab Testing sa mga Foreign Domestic Helpers.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marie Villarde, Chairman ng Ilagan City Migrants Alliance sa Hong Kong, sinabi niya na maliban sa vaccinatin ay mandatory na rin sa kanila ang pagsailalim sa swab test.
Aniya, sa ngayon ay nahihirapan ang ilang DH dahil tila itinuturing silang virus carrier na isang napakalaking diskriminasiyon para sa kanila.
Halos lahat na rin ng mga Foreign Domestic Helpers sa Hong Kong ay nabakunahan na kontra sa COVID-19 dahil sa panibagong panuntunan na ang hindi mababakunahan at sasailalim sa mandatory swab testing ay mapapatawan ng multa na nagkakahalaga ng 5,000 Hong Kong Dollars.
Ang mga Foreign Domestic Helpers na nais umuwi o magbakasyon sa Pilipinas ay kailangang kumuha ng certification at negatiboong Swab Results bago makalabas ng Hong Kong.
Samantala, sa kabila ng banta ng pandemya ay ipinagpapatuloy pa rin ng kanilang asosasyon ang pagtulong sa kanilang mga kapwa Pilipino hindi lamang sa mga nasa Hong Kong kundi maging na rin sa Pilipinas.
Aniya, ang Ilagan City Migrants Alliance ay nabuo para sa kapwa niya OFW na mga residente rin ng Lunsod ng Ilagan at tumutulong sila sa mga kaanak ng mga OFW sa Hong Kong na nandito sa Pilipinas.











