--Ads--

CAUAYAN CITY – Nailigtas ng Philippine Coast Guard sa karagatang sakop ng Basco, Batanes ang mangingisdang mula sa bayan ng Infanta, Quezon na mahigit isang buwan nang nawawala.

Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na ang apatnaput siyam na taong gulang na si Robin Dejillo ng Infanta, Quezon ay naiulat na nawawala mula pa noong ikaapat ng Agosto.

Nakatanggap ng impormasyon ang Coast Guard Station Batanes mula sa kanilang patrol team na nakasakay sa bangkang MB Veronica na may nakita silang isang puting motorbanca na may sakay na isang matandang lalaki.

Hinila ng MB Veronica ang bangka patungo sa Port of Basco.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Roldan Esdicul ng lalawigan ng Batanes, sinabi niya na matapos matagpuaan ang mangingisda ay agad itong dinala sa sa Batanes General Hospital para magamot at makapagpalakas.

Aniya tubig ulan, isda at niyog na nakita sa dagat ang iniinom at kinakain ni Dejillo sa loob ng mahigit isang buwan.

Napag-alamang pumalaot noong ikaapat ng Agosto si Dejillo upang mangisda ngunit sa kasamaang palad ay naubusan ng gasolina ang bangkang kaniyang sinasakyan kaya naman nagpalutang-lutang na lamang siya sa dagat hanggang sa makarating sa karagatang sakop ng Batanes.

Ayon sa kanya may mga nakikita siyang mga barko na dumadaan ngunit maaring hindi siya napapansin dahil maliit lamang ang kanyang bangka.

Nangako naman si Batanes Gov. Marilou Cayco na sisiguraduhin ng Provincial Government na siya ay makakauwi ng maayos sa kaniyang pamilya sa Quezon.

Sa ngayon ay nananatili pa siya sa Batanes General Hospital upang magpagaling at magpalakas ng pangangatawan at maraming mga nagbigay ng damit, pagkain at iba pang pangangailangan sa kanya maliban sa ibinigay ng pamahalaan.