--Ads--

Patuloy na pinaghahanap ang isang mangingisda matapos itong ma-trap sa kaniyang lambat habang tumatawid sa Ilog Cagayan na sakop ng Barangay District 1, Reina Mercedes, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Rommel Rivera ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na kasama ng biktimang si Celino Balmaceda at dalawang iba pa na nagtungo sa Cagayan River para mangisda.

Aniya dahil walang gamit na bangka ay naunang lumangoy ang dalawang kasamahan ni Balmaceda, makalipas ang ilang sandali ay sumunod ang biktima dala ang kaniyang fish net o lambat.

Nang makatawid na sa ilog ang dalawang kasamahan nito ay saka lamang nila nakita na hindi na nakasunod ang biktima.

--Ads--

Batay sa kanila na trap sa lambat ang biktima at tinangay ng tubig, bagamat sinikap naman ng mga kasamahan niya na sagipin siya ay hindi na nila ito nakita dahil sa malakas na agos ng tubig.

Matapos ang insidente ay agad na silang humingi ng tulong sa mga otoridad.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang rescue operation ng PNP katuwang ang MDRRMO Reina Mercedes at CDRRMO ng Cauayan para mahanap ang katawan nito.

Ginagalugad ng rescue team ang kahabaan ng Cagayan river mula Reina Mercedes, Isabela hanggang sa  Bayan ng Naguilian maging Lunsod ng Ilagan sa pag-asang mahanap ang mangingisda.

Nagpadala na rin sila ng flash alarm sa mga karatig na himpilan ng Pulisya upang ipabatid ang pangyayari.

Ito naman ang unang insidente ng pagkalunod na naitala sa Bayan ng Reina Mercedes.

Panawagan nila sa publiko na agad na ipagbigay alam sa kanila kung sakaling may makakita sa biktima na huling nakitang nakasuot ng white t-shirt at short pants.