Binatikos ng transport group ang pamahalaan kaugnay ng umano’y kakulangan ng konkretong solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mar Valbuena, Chairman ng MANIBELA, sinabi nitong “nanlaban-bawi” umano ang gobyerno at sa halip na makatulong ay lalo pang nagpapahirap sa sektor ng transportasyon.
Ayon kay Valbuena, sa kabila ng krisis sa petrolyo, wala pa ring malinaw na hakbang ang pamahalaan upang maibsan ang epekto nito sa mga tsuper. Dahil dito, posibleng magpatupad ng sariling diskarte ang ilang driver, kabilang na ang pagtaas ng pamasahe.
Gayunman, iginiit ng opisyal na wala silang planong tumigil sa pamamasada sa ngayon, bagamat aminado siyang hindi mapipigilan kung may ilang tsuper ang magpasyang taasan ang singil upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na biyahe.
Dagdag pa ni Valbuena, hindi nila ikinababahala ang posibilidad na hulihin sakaling may magpatupad ng sariling diskarte sa pamasahe, lalo na kung hindi naman ito labag sa umiiral na regulasyon.
Nilinaw rin ng grupo na hindi sila makikilahok sa planong tigil-pasada ng ibang transport group upang hindi madagdagan ang hirap ng mga commuter. Gayunpaman, hindi isinara ang posibilidad ng pagkilos kung patuloy na walang tugon ang pamahalaan.
Sa huli, nanawagan ang MANIBELA sa gobyerno na agarang ipatupad ang ayuda sa mga tsuper at isaalang-alang ang pansamantalang pagsususpinde ng excise tax sa produktong petrolyo kung hindi maibibigay ang hirit na dagdag-pasahe.





