--Ads--

Itinanggi ni Manny Villar ang alegasyon ng market manipulation laban sa Villar Land Holdings Corporation at iginiit na hindi siya o ang kanyang kompanya kailanman nasangkot sa anumang ilegal na gawain.

Ayon sa pahayag, hindi pa natatanggap ng Villar Land ang criminal complaint na isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng umano’y market manipulation, insider trading, at misleading disclosures na diumano’y nakaapekto sa presyo ng kanilang shares.

Idinagdag na palagiang pinapanatili ng kompanya ang mataas na pamantayan ng corporate governance at nakikipagtulungan sa SEC mula sa simula ng imbestigasyon. Ayon sa kanila, malinaw ang commitment sa transparency at pagsunod sa mga regulasyon ng SEC at Philippine Stock Exchange, kabilang ang paglalabas ng mahahalagang developments at koordinasyon sa mga regulatory bodies tungkol sa financial status ng kompanya.

Kasunod ito ng pagsampa ng kasong kriminal ng SEC sa DOJ noong Enero 30 laban sa Villar Land at ilang opisyal nito, kabilang sina dating Senadora Cynthia Villar, at kanilang mga anak na sina Manuel Paolo, Camille, at Mark Villar.

--Ads--

Ayon sa DOJ, sinimulan na nila ang pagsusuri sa reklamo bago magdesisyon kung magsasagawa ng preliminary investigation, na magtatakda kung ibabasura o ihahain sa korte ang kaso.