--Ads--

Dose-dosenang commercial ships ang nananatili sa hangganan ng mga pantalan ng Iran nitong mga nagdaang araw habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Ayon sa mga sources, ang naturang hakbang ay bilang pag-iingat bunsod ng tensyon at patuloy na mga protesta sa Iran. Mahalaga umanong manatili ang mga ito mga border ng pantalan dahil mas mataas ang panganib ng collateral damage sakaling magkaroon ng air strike sa mga kalapit na imprastraktura.

Nitong Miyerkules, sinabi ng isang opisyal ng U.S. na nag-withdraw ang Amerika ng ilang tauhan mula sa mga base nito sa Middle East, matapos magbabala ang isang mataas na opisyal ng Iran na tataragetin ng Tehran ang mga base ng Amerika kung aatakehin ng Washington ang Iran.

Umaasa ang Iran sa seaborne trade para sa importasyon ng mga produkto gamit ang dry bulkers, general cargo at container ships, gayundin sa mga oil tanker para sa pagluwas ng langis.

--Ads--

Batay sa pagsusuri ng maritime intelligence firm na Pole Star Global, tumaas mula isang barko patungong 36 na tanker ang pumasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Iran sa kahabaan ng baybayin nito sa Gulf at Caspian Sea na umaabot hanggang 24 miles at lampas sa 12 nautical miles ng local territorial limits mula Enero 6 hanggang Enero 12.

Ipinakita naman ng datos ng MarineTraffic na hindi bababa sa 25 bulk carrier ang nanatiling nakahinto sa EEZ ng Iran malapit sa pangunahing pantalan ng Bandar Imam Khomeini. May karagdagang 25 barko pa, kabilang ang mga container at cargo vessel, na nakaangkla sa mas timog na bahagi malapit sa pantalan ng Bandar Abbas.

Noong Hunyo 2025, naglunsad ang Israel ng mga air strike sa mga target sa Bandar Abbas, kung saan hindi bababa sa 70 katao ang nasawi sa mga hindi pa rin malinaw na pagsabog noong Abril, at hindi isinantabi ng mga awtoridad ang posibilidad ng sabotahe.

Habang sinusubukan ng pamunuan ng Iran na supilin ang pinakamalalang kaguluhan na hinarap ng Islamic Republic, sinisikap ng Tehran na pigilan ang paulit-ulit na banta ni U.S. President Donald Trump na manghimasok pabor sa mga anti-government protesters.