--Ads--

CAUAYAN CITY – Suliranin ng mga nagpapatupad ng forced evacuation ang maraming residente ng Laurel, Batangas na ayaw lumikas sa kabila na isinailalim na sa lockdown ang nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Fire Officer 2 Sherwin Hernandez ng BFP Laurel, Batangas na nagpapatuloy pa rin ang kanilang sapilitang pagpapalikas sa mga mamamayang ayaw lumikas dahil di nila kayang iwanan ang kanilang bahay at mga alagang hayop.

Sinabi pa ni FO2 Hernandez na isinailalim sa lockdown ang Laurel upang maiwasan ang mga pagnanakaw ng mga alagang hayop.

Idinagdag pa niya na pinag-uusapan na ng mga opisyal ng Laurel ang mga hakbang na gagawin para pumayag ang mga mamamayan na lumikas at kung ano ang gagawin para pakainin ang kanilang mga alagang hayop.

--Ads--

Bagamat patuloy ang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal ay mababa umano ang buga nito kaya patuloy ang kanilang isinasagawang force evacuation.

Hindi anya nila maaaring puwersahin ang mga matitigas ang ulo bagamat nagpapatupad na sila ng force evacuation.

Kinakailangan ng maigting na pagbibigay ng tamang kaalaman sa mga residente ukol sa maaring panganib ng Bulkang Taal dahil sa patuloy na nararamdamang pagyanig o lindol na dulot pa rin ng pagputok ng bulkang taal.