--Ads--

Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, muling binibigyang-pugay ang isang natatanging anak ng Cagayan si Marcelo Adduru, na buong tapang na tumindig laban sa pananakop ng mga Hapones sa rehiyon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ipinanganak noong Hunyo 18, 1894 sa Tuguegarao, si Adduru ay isang edukadong lider na nagtapos sa University of the Philippines sa larangan ng forestry, liberal arts, at batas.

Bago pa man sumiklab ang digmaan, nagsilbi na siya bilang botanist, kapitan ng infantry, at kinatawan ng unang distrito ng Cagayan sa Philippine Legislature.

Noong 1941, nahalal siyang gobernador ng lalawigan sa ilalim ng Partido Nacionalista.

--Ads--

Pagdating ng Disyembre 10, 1941, sa pagsalakay ng mga Hapones sa Aparri at Gonzaga, agad siyang nagtatag ng Cagayan Force isang lokal na batalyong binuo mula sa mga guro, reservists, at Philippine Constabulary upang ipagtanggol ang lalawigan.

Sa pakikipagtulungan kay Capt. Ralph Praeger ng Provisional Apayao Force, matagumpay nilang sinalakay ang Tuguegarao noong Enero 13, 1942, na ikinasawi ng mahigit 200 sundalong Hapones at ikinasira ng mga pasilidad, komunikasyon, at suplay. Ito ang kauna-unahang opensibang tagumpay na kinilala ng US Army matapos ang Pearl Harbor.

Hindi naglaon, isinagawa rin ang pag-atake sa Aparri, habang patuloy ang gerilyang operasyon sa Cagayan at Apayao. Noong Hulyo 6, 1942, pormal siyang kinomisyon na may rango na Major sa Cagayan-Apayao Force ng US Army. Dahil sa epektibong paglaban ng CAF, naging target siya ng mga Hapones at nadakip noong Abril 1943. Ngunit sa kanyang paglaya, muling binuhay ni Adduru ang CAF at pinangunahan ang mas matinding opensiba bago muling mahuli noong Hulyo 1944.

Ang kanyang pamumuno sa panahon ng digmaan ay naging mahalagang bahagi ng paglaya ng Hilagang Luzon noong Marso 1945. Bagamat hindi nakaligtas ang CAF sa buong panahon ng okupasyon, nanatili itong simbolo ng pag-asa at katatagan para sa mga Cagayano.

Matapos ang digmaan, nagsilbi si Adduru bilang Kalihim ng Paggawa at muling nahalal bilang gobernador ng Cagayan mula 1955 hanggang 1959. Pumanaw siya noong Enero 30, 1972, ngunit ang kanyang kabayanihan ay patuloy na ginugunita lalo na sa pamamagitan ng PNP Regional Headquarters na ipinangalan sa kanya.