Pinaiimbestigahan ng grupong Kontra Daya at Advocates of Public Interest Law sa Bureau of Internal Revenue (BIR) si Senator Rodante Marcoleta matapos nitong aminin na hindi niya idineklara ang ilang natanggap na campaign contributions.
Ayon sa sulat ng mga grupo kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, ang pag-amin ni Marcoleta ay may malaking implikasyon sa buwis, kabilang ang posibilidad na mayroong hindi naideklarang taxable income o posibleng tax evasion at tax fraud, pati na rin kung ang mga donor ay nagbayad ng nararapat na buwis.
Matatandaan na sinabi ni Marcoleta sa isang panayam na tumanggap siya ng campaign contributions para sa kanyang kandidatura sa Senado, ngunit hindi niya ito isinama sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) upang hindi isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga donor.
Ayon sa Kontra Daya at Advocates of Public Interest Law, ang hindi pagbibigay-alam sa mga natanggap na pondo ay maaaring magresulta sa tax evasion, at ang hindi wastong deklarasyon ng donors tax ay posibleng paglabag sa batas. Binanggit din nila na ang hindi wastong paggamit ng pondo na hindi para sa lehitimong gastusin sa kampanya ay maaaring ituring na taxable income.
Plano rin ng mga grupong nagsumite ng sulat para sa pagsasampa ng kasong graft laban sa Senador.










