Ipinunto ni Pangulong Marcos Jr. na magiging epektibo lamang ang mga flood control structure kung maayos ang disenyo at pagkakagawa ng mga ito.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang inagurasyon ng Union Water Impounding Dam sa Barangay Union, Claveria, Cagayan ngayong araw ng Martes, Oktubre 14, 2025.
Ayon sa Pangulo ang nasabing proyekto ay nagsisilbi ring flood control system.
Binanggit din ng Pangulo na mahalaga ang maayos na disenyo, konstruksyon, at implementasyon ng proyekto upang maiwasan ang mga problema sa hinaharap.
Ipinagmamalaki pa ng Pangulo na natapos ang proyekto sa loob lamang ng labing apat na buwan.
Bagaman tinatawag itong “dam,” ipinaliwanag ni Marcos na isang “weir” ang istruktura—isang mababang uri ng dam na idinisenyo upang kontrolin ang agos ng tubig sa ilog lalo na tuwing malalakas ang ulan.
Bukod sa pagprotekta sa mga palayan laban sa pagbaha, nagbibigay din ang Union Dam ng irigasyon sa humigit-kumulang 3,600 ektarya ng sakahan, na nakikinabang ang mahigit 1,000 magsasaka mula sa pitong barangay.
Ang proyekto ay pinagsanib na inisyatibo ng Department of Public Works and Highways o DPWH at National Irrigation Administration o NIA sa ilalim ng kanilang convergence strategy para sa flood control, irigasyon, at pagpapaunlad ng mga kanayunan.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng ₱250 milyon na ipinatupad ng pinatupad ng National Irrigation Administration Region 2.
Ipinunto rin ng Pangulong Marcos na may potensyal ang lugar na maging bagong tourist attraction dahil nagsisimula na umano itong dayuhin ng mga residente para sa recreation at water activities.











