CAUAYAN CITY – Hiling ng ilang mga market vendors sa pribadong pamilihan sa lungsod ng Cauayan na paalisin sa labas ng palengke ang mga ambulant vendors dahil nakaapekto ito sa kanilang negosyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aida Tomas, market vendor sinabi niya na wala na silang nabebentahan dahil ala una pa lamang ng madaling araw ay nakapwesto na sa labas ng palengke ang mga ambulant vendor mula sa karatig na bayan.
Naramdaman aniya nila ang tumal ng benta simula nang magsilabasan ang mga ambulant vendor.
Hiling nila na maging patas ang paghahanapbuhay nila dahil nagbabayad sila ng 240 pesos kada araw para sa kanilang pwesto habang 20 pesos lang ang binabayaran ng mga ambulant vendor.
Hanggang alas sais lang naman aniya ng umaga ang pagbebenta ng mga ito sa labas ng pamilihan ngunit malaki pa rin ang kanilang lugi.
Nakasaad din aniya sa kanilang pinirmahang kontrata na kung sakali mang magkakaroon ng public market o ambulant vendor sa lungsod ng Cauayan ay 100 meters ang layo nito mula sa pribadong pamilihan.
Giit nito na hindi naman nasusunod ang nakasaad sa kontrata dahil nakapwesto lamang ang mga ito sa labas ng palengke.
Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Edwin Asis, City Economics Enterprise Management Officer, sinabi niya na wala namang nakasaad sa polisiya ng Cauayan na nagbabawal sa mga taga ibang bayan na magbenta dito sa lungsod.
Giit nito na wala rin naman aniyang matinding epekto ang ambulant vendors sa tumal ng bentahan sa loob ng palengke.
Naidulog na rin aniya ito kay Cauayan City Mayor Ceasar Dy Jr., at pumayag naman umano siya na payagan ang mga ito na magbenta sa lugar.