Mas paiigtingin ng Alicia Police Station ang kanilang checkpoint sa lahat ng sasakyan na dumaraan palabas at papasok sa kanilang nasasakupan.
Ito ay kasunod ng pagkakahuli ng isang mag-asawa dahil sa pagdadala ng ilegal na sigarilyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Felix Mendoza, Chief of Police ng Alicia Police Station, na bagaman may direktiba mula sa Regional Office na magsagawa ng regular na checkpoint, lalo pa nilang hihigpitan ang operasyon dahil ang Alicia ay isa sa mga pangunahing gateway papasok sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Isabela.
Aniya, isa sa kanilang pangunahing tutukan ngayon ang masusing pagbabantay sa mga sasakyan dahil sa dami ng dumaraang motorista sa lugar.
Giit pa ng hepe, mas paiigtingin din nila ang deployment ng mga tauhan at magdadagdag ng karagdagang personnel sa mga checkpoint upang mas maingat na masuri ang bawat dumaraan.











