--Ads--

Target ng Office of the City Agriculture ng Lungsod ng Cauayan ang mas marami pang benepisyo para sa mga magsasaka mula taong 2026 hanggang 2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, patuloy ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng suporta sa sektor ng agrikultura.

Aniya, ngayong taon pa lamang ay marami nang benepisyong naipagkaloob sa mga magsasaka sa lungsod. Kabilang dito ang libreng binhi at abono na ipinamahagi sa mga rehistradong magsasaka na miyembro ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), batay sa lawak ng kanilang sinasakang lupa.

Para sa wet season ng taong 2026, nasa humigit-kumulang 7,815 ektarya ng lupang sakahan ang mabibigyan ng libreng binhi. Samantala, para naman sa dry season, mahigit 8,000 ektarya ang target na mapagkalooban ng libreng binhi.

--Ads--

Dagdag pa niya, lahat ng mga makatatanggap ng binhi ay bibigyan din ng kaukulang abono upang mas mapalakas ang ani ng mga magsasaka.

Inaasahang bahagyang tataas ang alokasyon para sa dry season sa susunod na taon bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng produksyon sa agrikultura.

Bukod dito, may inaasahan pang karagdagang benepisyo ang mga magsasaka mula sa tanggapan ng City Agriculture, kabilang na ang pagbibigay ng agricultural medicines para sa proteksyon at pangangalaga ng mga pananim.