Nagkaroon umano ng pagbaba sa bilang ng mga nakawan sa District 3, Cauayan City matapos paigtingin ng pamunuan ng barangay ang paggamit ng CCTV sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Lorenzo Mangantulao ng District 3, sinabi niya na marami nang insidente at iba’t ibang uri ng krimen ang kanlang nasolusyunan sa tulong ng iba’t ibang CCTV Camera na nakakabit sa iba’t ibang bahagi ng barangay.
Isa sa mga pangunahing nabigyan ng solusyon ay ang serye umano ng nakawan sa isang tindahan kung saan madalas madalas makapagtala ng pagkawala ng iba’t ibang kagamitan.
Aniya, dati ay nahihirapan silang tukuyin ang mga suspek dahil walang direktang saksi sa mga insidente. Ngunit sa tulong ng malinaw na kuha ng CCTV Camera ay mabilis nilang natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga sangkot na agad naipaparating sa mga kinauukulan.
Dahil dito ay mas napapadali ang paghuli sa mga suspek at nabibigyan ng hustisya ang mga nagrereklamo.
Ayon kay Mangantulao, malaking tulong din ang ang CCTV bilang panakot sa mga nagbabalak gumawa ng masama dahil nababawasan ang lakas ng loob ng mga kawatan na gumawa ng krimen.
Sa kasalukuyan ay nasa 48 units na ang kabuuang bilang ng CCTV na nakakalat sa buong barangay partikular ang mga matataong lugar. Plano nila sa ngayon na magdagdag ng unit upang mas mapalawak ang saklaw ng kanilang monitoring.





