--Ads--

Nagkaroon nang pagbaba ng 7.8 percent ang bilang ng mga Pinoy na nagpakasal noong 2023 o nasa 414,213 kasal lamang ang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung ikukumpara sa mga nagpakasal noong 2022.

Ayon sa PSA, ito ay nagpapakita ng paglipat ng mga Pinoy sa cohabitation kaysa pormal na kasal, kung saan 19 percent ng mga kababaihang may edad 15 hanggang 49-anyos ang nakatira na kasama ang kanilang partner, ayon sa 2022 National Demographic and Health Survey.

Iniulat din ng PSA na mas marami rin ang ipinanganak na bata mula sa hindi kasal na umabot sa 842,728 kumpara sa 605,794 mula sa mga mag-asawang legal na kasal.

Pinakamarami naman ang nagpakasal sa buwan ng Pebrero, sinundan ng Disyembre at Hunyo.

--Ads--

Nanguna ang CALABARZON sa bilang ng pinakamara­ming nagpakasal, habang ang BARMM ang may pinakamababa.

Ang civil weddings ay nasa 42.9%, Roman Catholic 31.4 percent at iba pang relihiyosong seremonya 23.5 percent.

Nananatili ang karaniwang edad ng pagpapakasal ng babae ay nasa edad 28-anyos habang 30-anyos sa mga lalaki.

Nagpapatuloy pa rin ang insidente ng maagang kasal kung saan may 12,630 babaeng menor-de-edad ang nagpakasal noong 2023.