--Ads--

CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng mga residente sa Pamittan Street, Barangay District 1, Cauayan City ang piggery sa lugar na pinagmumulan ng masangsang na amoy.

Ayon sa mga residente, nagkakasakit na ang mga bata dahil isang taon na nila itong problema at hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusulosyonan.

Sa pagtungo ng team ng Bombo Radyo Cauayan sa nasabing babuyan ay nakita ang 22 baboy na inaalagaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roderick Agustin sinabi niya na mahigit 20 years na umano nilang kabuhayan ang pagba-buy and sell ng mga baboy at ngayon lang nagkaroon ng reklamo laban sa kanila.

--Ads--

Aniya inirekomenda sa kanila ng sanidad na magkaroon ng poso negro na magiging daluyan ng dumi para hindi nangangamoy sa mga katabing bahay.

Aminado siya na wala silang Mayor’s permit kaya’t kung sasabihan umano siya na magbabawas o mag dispose ng baboy ay susunod naman siya.

Pakiusap lamang niya na huwag tuluyang ipatanggal ang kanyang piggery dahil makaaapekto ito sa kanilang negosyo.

Ayon naman kay Kap. Marc Dejoya, ang namumuno Brgy. District 1, Cauayan City kanyang sinabi na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pag-aalaga ng baboy sa kanilang barangay gaano man ito karami.

Ayon pa kay kapitan, agad naman nilang sinulatan ang Sanidad noong nakatanggap sila ng reklamo laban sa nasabing piggery.

Binisita na rin aniya ang nasabing lugar at nagkaroon na ng kasunduan na hanggang ngayong buwan ng Mayo na lamang ang kanilang pag-aalaga.

Samantala, inihayag  Sanitary Inspector Leonard Agsunod na noong March 26 nang huli silang nagsagawa ng inspection at mayroong 26 na baboy ang kanilang nadatnan.

Inabisuhan naman umano nila ang may-ari na maglagay ng host at septic tank. Bukod dito sinabihan rin nila ang may-ari na magbawas ng alagang baboy.

Aniya, tanging kulang sa piggery ay ang permit dahil hanggang apat na baboy lang ang dapat alagaan ng backyard hog raiser.