--Ads--

CAUAYAN CITY – Inireklamo ng ilang mamamayan sa Rosario, Santiago City ang hindi kaaya-ayang amoy na nanggagaling sa Material Recovery Facility ng isang Pampublikong Pagamutan sa lunsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Loreto Simanero, isang residente sa naturang barangay, nagiging suliranin nila tuwing magsasagawa ng paggiling ang makinarya sa loob ng pagamutan ng iba’t ibang klase ng basura.

Hindi naman aniya madalas ang paggigiling ng mga basura subalit hindi talaga maganda ang amoy na kanilang nalalanghap kahit may suot na silang facemask.

Maari aniya itong makapagbigay ng sakit sa mga nakakalanghap.

--Ads--
Tinig ni Loreto Simanero.

Sa pagtungo naman ng Bombo Radyo Cauayan sa lugar kung saan matatagpuan ang Waste Recovery Facility ay makikita na ilang metro lamang ang layo sa mga kabahayan habang sa likod naman ang mismong gusali ng pagamutan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay City Environment and Natural Resources Officer Mario De Guzman, sinabi niya na napag-usapan na ito nang magkaroon ng pagpupulong ang pamunuan ng iba’t ibang pagamutan sa lunsod sa tanggapan ng pamahalaang lunsod at napagusapan aniya na magsasagawa ng imbestigasyon sa lugar katuwang ang ilan pang concerned agencies pangunahin na ang City Health Office (CHO).

Aniya, bago lamang ang nasabing kagamitan at nasa estado pa lamang ng trial subalit kung mapag-alaman na may pagkukulang ang pagamutan ay ikinukonsidera rin ng CENRO na ipalayo ito sa mga kabahayan o di kaya ay padagdagan ng kagamitan.

Tinig ni CENRO Mario De Guzman.

Sinubukan naman ng Bombo Radyo Cauayan na makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng pagamutan subalit hindi sila nagpaunlak ng panayam gayunman ay tiniyak nila na gagawan ng paraan ang naturang problema.

Ikinokunsidera rin ang paglilipat sa lugar.

Umaasa naman ang mga residente na agad itong maaksyunan para maalis na ang pag-aalala nila sa kanilang kalusugan.