CAUAYAN CITY- Mayroon nang sinusunday gabay ang Roxas Police Station sa pamamaril sa isang massage attendant sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay San Pedro, Roxas, Isabela.
Ang biktima ay si Maria Fe Velasco, 44 anyos, may asawa, massage attendant at residente ng barangay San Placido, Roxas, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni SPO4 Fernando Sillapan, Chief Investigator ng Roxas Police Station na sa ngayon ay hindi pa nila maaaring isapubliko ang kanilang sinusundang gabay.
Hinihintay ng pulisya na ganap na gumaling ang ginang sa isang pagamutan sa Tugugearao City para sa karagdagang impormasyon na kanyang maibabahagi.
Una nang napaulat nagtungo ng biktima sa bayan ng Mallig para dalawin ang kanyang anak at nang papunta na siya sa San Pedro, roxas para sunduin ang kanyang live-in partner ay sinundan siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at binaril.
Tinamaan ng bala ng baril si Velasco sa kaliwang braso na tumagos sa kanyang kaliwang dibdib.
Dinala sa pagamutan si Velasco ng mga residenteng hiningan niya ng tulong samantalang tumakas ang mga suspek.
Natagpuan sa pinangyarihan ng pamamaril ang isang basyo ng bala ng Cal. 9mm na baril.




