Aminado ang Cauayan City Component Police Station na hindi naging madali ang kanilang ginawang backtracking sa sasakyang nasangkot sa hit-and-run incident sa Barangay Minante Dos, Cauayan City, Isabela, noong gabi ng Marso 10.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lt. Col. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Component Police Station, sinabi niya na kinailangan nilang makipag-ugnayan sa iba’t ibang pribadong establisyemento para matukoy ang tinahak ng sasakyang sangkot sa insidente pangunahin na ang mga may CCTV Camera Supang masundan ang ruta ng sasakyan.
Base sa kanilang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa mga municipal police stations ng Luna, Cabatuan, Burgos, Aurora, at iba pang bayan na dinaanan ng sasakyan, natukoy na ang sasakyan ay nagtungo sa bayan ng Roxas, Isabela, kung saan nakatira ang isa sa mga lulan ng sangkot na sasakyan.
Kahapon ng madaling, Marso 13, nahuli ng Roxas Police Station si alyas “Mico” residente ng bayan ng Roxas.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang paghahanap sa isa pang suspect na siyang driver ng sasakyan, na agad tumakas matapos mangyari ang aksidente.











