
CAUAYAN CITY – Posibleng makatulong ang mataas na ani sa lokalidad para mabawasan ang importasyon ng palay sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na ang puntirya ng Kagawaran ng Pagsasaka ngayong darating na anihan ng palay ay 20 milyon metric tons.
Aniya, hindi ito malayo sa forecast ng Philippine Statistic Authority o PSA na 19.96 kaya umaasa ang DA na makatulong ang late na pagdating ng ulan sa mga magsasaka ng mais at palay para mapataas ang kanilang ani.
Ayon kay Regional Executive Director Edillo, kapag naabot ng DA ang kanilang target ay ito na ang pinakamataas na ani sa bansa sa loob ng nakalipas na sampong taon.
Malaki ang magiging epekto nito dahil mababawasan ang importasyon sa bansa.
Kapag naman aniya panahon ng anihan ay ipinagbabawal ang pag-import at ang nagiging problema lamang ay ang backdoor kaya dapat ay paigtingin ang pagbabantay sa mga katubigan ng bansa lalo na at napapaligiran ng tubig ang Pilipinas.
Samantala, inihayag ni Regional Executive Director Edillo na pinag-uusapan ngayon ang pagbibigay ng 1 peso incentive sa mga magbebenta sa National Food Authority o NFA.
Gayunman ay ipapaapruba muna ito sa council ng NFA council.
Sa ngayon ay labingsiyam na piso ang presyo ng maganda ang kalidad at tuyong palay sa NFA.
Kaugnay nito ay ipinopromote rin ng DA ang cluster farming.
Aniya, pinapalakas ang mga umangat ng mga kooperatiba para bilhin ang ani ng kanilang mga miyembro.
Handa namang magpautang ang Landbank of the Philippines at DBP sa maliit lamang na interest.










