Nangangamba ang mga magsasaka sa posibleng epekto ng matinding tag-init sa kanilang mga sakahan, partikular sa mga taniman ng mais na pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lolita Bayubay, isa sa mga magsasaka sa lungsod, sinabi niyang malaki ang epekto ng matagal at matinding init sa kanilang mga pananim.
Kapag kulang umano sa patubig at patuloy ang mataas na temperatura, madaling matuyo ang lupa, na nagiging sanhi ng hindi maayos na paglaki ng mais. May mga pagkakataon ding hindi nabubuo nang husto ang bunga at lumiliit ang mga butil, kaya bumababa ang kabuuang ani.
Bukod sa banta ng tagtuyot, dagdag pasanin pa sa mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng diesel.
Malaki ang epekto nito sa kanilang gastusin dahil diesel ang ginagamit sa pagpapatakbo ng mga water pump para sa irigasyon, gayundin ng mga traktor at iba pang makinarya sa bukid.
Dahil sa mataas na presyo ng krudo, napipilitan ang ilan na bawasan ang oras ng pagpapatubig upang makatipid, na lalo namang maaaring makaapekto sa kalagayan ng kanilang mga pananim.
May ipinagkakaloob mang pataba ang City Agriculture Office bilang suporta sa mga magsasaka, aminado ang ilan na hindi ito sapat para sa lawak ng kanilang mga taniman. Dahil dito, kailangan pa nilang bumili ng karagdagang pataba at iba pang suplay, na dagdag gastos sa gitna ng matumal na ani at mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sa kabuuan, pinangangambahan ng mga magsasaka na kung magpapatuloy ang matinding init kasabay ng mataas na presyo ng diesel, posibleng bumaba ang produksyon ng mais sa lugar.
Umaasa sila sa agarang tulong at mas pinalawak na suporta mula sa pamahalaan upang mapanatili ang kanilang kabuhayan at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa komunidad.











