--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadagdagan ng mahigit 500  ang mga kaso ng  COVID-19 sa ikalawang rehiyon sa nakalipas na isang linggo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Raphael Dennis Paquing, nurse 2 at surveillance head ng Department of Health (DOH) region 2 na mula July 18-24, 2022 ay may dagdag na 577 confirmed cases.

Sa ngayon ay may 691 na mga aktibong kaso sa ikalawang rehiyon.

Ayon kay Ginoong Paquing, 99%  ay local cases kabilang ang 83 na local healthcare workers.

--Ads--

Ang mga lalawigan sa region 2 na may maraming kaso ng COVID 19 ay ang Isabela at Cagayan.

Ang mga bayan at lunsod naman na nakapagtala ng mas maraming kaso ay ang Tuguegarao City, Cauayan City,  City of Ilagan, Santiago City at bayan ng Sta. Ana, Cagayan.

Ang nakikitang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ikalawang rehiyon ay ang malayang paglabas na ng mga tao.

Hinikayat nila ang mga pamahalaang lokal na ibayong imonitor ang mga aktibong kaso para malaman kung sinu ang mga dapat isailalim sa isolation at quarantine maging ng kanilang mga close contacts.

Hinimok din niya ang mga mamamayan na patuloy na sumunod sa mga minimum public health standards para maiwasan ang muling pagkalat ng virus.

Patuloy din ang pagbabakuna sa mga health centers sa mga bayan at lunsod.

May mga bagong gagawin ang DOH region 2 para mahimok ang mga working groups at senior citizen na magpaturok ng booster dose.