CAUAYAN CITY – Patuloy ang kakulangan ng suplay ng baboy sa ikalawang rehiyon kahit nadagdagan ang mga suplay na dumarating.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na nadadagdagan ang suplay ng baboy ngayon sa rehiyon dahil sa pagbubukas ng mga gobernador sa pagpasok ng karne.
Gayunman ay istrikto pa rin sila sa pagsusuri sa mga dokumento para hindi maapektuhan ang mga natitira pang baboy sa rehiyon.
Mula kahapon ay may 11,700 na pumasok na baboy sa rehiyon habang sa frozen meat naman ay 510.03 metric tons.
Sa kabila nito ay kulang pa rin lalo na sa Isabela dahil apat na bayan lamang ang hindi naapektuhan at pawang ang mga coastal town pa.
Sa ngayon ay ang presyo ng karne ng baboy sa Cagayan ay P240 hanggang P300 ang bawat kilo habang sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya naman ay naglalaro sa P330 hanggang P350 ang bawat kilo.
Ayon kay Regional Executive Director Edillo, kung wala ang mga nagsusuplay ng baboy sa lambak ng Cagayan ay lalong mas mataas ang presyo ng baboy dahil kapos pa rin ang rehiyon sa suplay ng baboy.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo.





