Magulo at mataas ang presyo ng palay sa Region 2 dahil sa kakulangan ng stocks at kawalan ng importasyon bago ang anihan, ngunit itinuturing itong pagkakataon ng mga rice millers na makabawi ang mga magsasakang Pilipino mula sa pagkalugi sa nagdaang ani.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Ernesto Subia, Pangulo ng Rice Millers Association Region 2, na kasalukuyang nasa ₱28 hanggang ₱29 kada kilo ang sariwang palay, habang umaabot naman sa ₱31 pataas ang natuyong palay.
Ipinaliwanag niya na walang importasyon ng palay at bigas ngayong Marso hanggang Mayo dahil panahon ito ng anihan. Gayunman, sinabi niyang kapos ang kasalukuyang stocks kaya nananatiling mataas ang presyo sa merkado.
Ayon kay Ginoong Subia, ang mataas na presyo sa ngayon ay maaaring pakinabangan ng mga mayayamang negosyante at importer, lalo na kung muling mag-aangkat ang gobyerno sa Hunyo. Aniya, kapag dumating ang imported na bigas at bumaba ang presyo, malulugi ang mga rice millers na nakabili ng palay sa halagang ₱30 pataas kada kilo.
Binatikos din niya ang desisyon ng pamahalaan na ibaba sa 15% ang buwis sa imported na bigas, dahil umano importer lamang ang makikinabang dito at hindi ang mga lokal na magsasaka. Mungkahi niya na itaas sa 35% ang taripa upang maprotektahan ang lokal na produksyon.
Dagdag pa niya, dapat tiyakin ng pamahalaan na may sapat na stocks ng palay sa mga bodega ng rice mills at makipag-ugnayan sa mga ito upang maiwasan ang kakulangan sa suplay, lalo na sa Isabela. Iginiit din niya na hindi dapat bumaba sa ₱15 kada kilo ang presyo ng sariwang palay upang matiyak na hindi malulugi ang mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, mababa ang stocks ng bigas sa buong bansa kabilang na ang Isabela, kung kaya’t nababahala ang grupo na maaaring dumating ang pagkakataon na wala nang makain na bigas sa lalawigan.










