Patuloy na dinarama ng mga mamamayan at magsasaka ng lalawigan ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo sa operasyon ng transportasyon, agrikultura, at pang-araw-araw na gastusin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy, sinabi niyang ramdam lalo ng mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng diesel, na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga traktora at water pump, lalong-lalo na ngayong panahon ng anihan. “Halos doble ang gastos sa bukid, pero bumababa pa rin ang presyo ng ani sa merkado,” ani Dy.
Dahil dito, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ng adhoc committee upang pag-usapan at imbestigahan ang epekto ng drought sa lalawigan, kabilang ang tulong sa mga corn farmers na naapektuhan. Umaabot na sa mahigit 30,000 ektarya ang naapektuhan, na tinatayang 30,000 magsasaka. Patuloy pang kinokolekta ang datos ng mga municipal at city agriculturists, at posibleng umabot sa 60,000 ektarya at 50,000 magsasaka ang maapektuhan.
Ayon kay Vice Governor Dy, tatalakayin ng committee kung ano ang maaaring ibigay ng national government, probinsya, at mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga apektadong magsasaka. Layunin ng probinsiya na maging pantay-pantay o uniform ang tulong, batay sa listahan ng mga municipal agriculturists. Kasama sa tulong ang farm inputs o cash assistance, depende sa final na alok mula sa national government, para matiyak ang agarang suporta sa mga magsasaka.
Bukod sa tulong sa agrikultura, ibinahagi rin ng vice governor ang mga bagong proyekto para sa lalawigan sa pakikipagpulong ng mga lokal na opisyal sa bisita mula sa Japan. Kabilang dito ang pagtatayo ng “smart province” sa Isabela at ang waste-to-energy project, kung saan ang basura ng buong lalawigan ay gagawing kuryente at mga by-product gaya ng pataba at semento sa pamamagitan ng joint venture ng publiko at pribadong sektor.
Pinayuhan ni Vice Gov. Dy ang mga mamamayan na huwag mag-panic at makipagtulungan sa pamahalaan upang matiyak na maipapamahagi nang maayos ang tulong. Iginiit niya na lahat ng proyekto ay susunod sa regulasyon at pamantayan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at iba pang kaukulang ahensya.











