Nanawagan ang IBON Foundation na higit na mabigyan ng timbang ang pagbubuwis sa mayayamang Pilipino at malalaking kompanya, sa halip na ipasa ang pasanin sa ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng Value-Added Tax (VAT).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, labis na pinapasan ng mga mahihirap at middle-class ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin dahil sa 12% VAT sa mga produktong pang-araw-araw. Paliwanag niya, bagama’t ang malalaking kompanya ang may obligasyong magbayad ng buwis, ipinapasa nila ito sa presyo ng kanilang paninda, kaya’t sa huli, ang mga konsumer ang tunay na nagbabayad.
Aniya, sa kasalukuyan, umaabot sa ₱460–470 bilyon kada taon ang kinikita ng gobyerno mula sa VAT. Kung babaan ang buwis sa mga pangunahing bilihin, makakaramdam ng ginhawa ang milyun-milyong mahihirap at ordinaryong pamilyang Pilipino, na nakararanas ng mataas na presyo ng bilihin at mababang sahod.
Binigyang-diin din niya ang hindi patas na polisiya sa buwis sa nakalipas na administrasyon. Paliwanag niya, ang dating 30% na corporate income tax ay ibinaba sa nakaraang dalawang administrasyon. Mula 30% to 25% ni Pangulong Duterte, at ibinaba pa ni Pangulong Marcos from 25% to 20% na higit na nakinabang ang mayayaman. Kung maibabalik ang CIT sa dati, tinatayang makakalikom ang gobyerno ng ₱360 bilyon kada taon.
Mungkahi ni Africa, mag-invest sa agrikultura upang maging abot-kaya ang pagkain at pagsuporta sa lokal na industriya upang mabawasan ang pag-angkat.
Hinihikayat ng IBON Foundation ang gobyerno na pagtuunan ng pansin ang mga pangunahing suliranin ng bansa, kabilang ang mataas na presyo ng bilihin, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon, pabahay, at mahal na singil sa kuryente at tubig. Aniya, dapat na ang lahat ng resources ng pamahalaan ay para sa kapakinabangan ng mamamayan.
--Ads--











