--Ads--

SA ESTADOS UNIDOS – Matapos tamaan ng kidlat, himalang  muling nakakita at nakarinig ang isang 62 anyos na matandang lalaki sa Maine dahil sa aksidente.

Nabulag at nabingi si Edwin Robinson matapos magtamo ng malalang injury sa kanyang ulo sa isang aksidente.

Nang araw na tamaan siya ng kidlat ay lumabas siya ng bahay upang hanapin ang kanyang alagang manok.

Ang kanyang aluminum na tungkod ang ginagamit niyang pangkapa sa nilalakaran.

--Ads--

May bagyo sa araw na iyon at malalakas ang pagkulog at pagkidlat.

Sa halip na bumalik sa loob ng kanyang bahay, nagpunta siya sa isang kalapit na puno upang sumilong.

Dahil sa paglapit sa puno at mayroon pang aluminum na tungkod ay tinamaan siya ng kidlat.

Natanggal ang kanyang hearing aid dahil sa lakas ng puwersa ng kuryenteng tumama sa kanyang katawan ay nawalan siya ng malay sa loob ng 20 minuto.

Nang magkamalay ay pumasok siya sa loob ng kanyang bahay at natulog dahil sa sakit ng katawan na nararamdaman.

Natuklasan ni Edwin ang milagrong nangyari sa kanya kinabukasan pagkagising niya.

Sa halip na kadiliman ang kanyang nakita, pagmulat niya ay liwanag ang bumulaga sa kanya.

Nakikita na niya ulit ang paligid at tuwang-tuwa niya itong ibinalita sa kanyang asawa.

Nagulat ang kanyang misis dahil nakakapagsalita na siya nang maayos at hindi na gumagamit ng hearing aid.

Ayon sa doktor, maaaring bumalik ang paningin at pandinig ni Robinson dahil sa trauma na dulot ng pagtama sa kanya ng kidlat.

Ito ay hindi naiiba sa trauma na natamo mula sa aksidenteng nagdulot ng kanyang pagkabulag at pagkabingi kaya ang pagkakaroon ng katulad na trauma sa ikalawang pagkakataon ang maaring nagpabalik sa nawalang paningin at pandinig.