--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakarekober ang militar ng matataas na kalibre ng baril, kagamitang pandigma, pampasabog at medical supplies matapos ang magkakasunod na sagupaan sa panig ng tropa ng pamahalaan at higit dalawampung kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Namal, Asipulo, Ifugao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Carol Jay Mendoza, Commanding Officer ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army, sinabi niya na narekober nila ang tatlong matatas na kalibre ng baril, sampung Improvised Explosive device o improvised land mines at ilang medical supplies.

Matatandaan na matapos ang sagupaan at sa tulong ng ilang residente ay nailigtas nila si Avelino Cruz, alias “Junel”, Vice Commanding Officer ng Front Operational Command ng Guerilla Front AMPIS na kumikilos sa Abra, Mountain Province at Ilocos Sur.

Agad siyang isinugod sa pagamutan at nasa maayos nang kondisyon habang nagpapagaling sa Veterans Hospital sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

--Ads--

Hinihintay na lamang ng kanilang hanay na makalabas ng pagamutan si Ka Junel bago maipasakamay sa mga otoridad.

Sa ngayon ay patuloy ang clearing operation ng militar sa lugar upang suyurin ang direksyong pinuntahan ng mga tumakas na miyembro ng NPA kung saan nakita ang ilang mga bakas ng dugo.

Panawagan ni Capt. Mendoza sa kanyang nasasakupan na makipagtulungan upang matunton ang mga NPA na posibleng nasugatan sa sagupaan at mailigtas.