
CAUAYAN CITY – Sumuko sa pamahalaan ang anim na miyembro ng Communist NPA Terrorist (CNT) kabilang na ang tatlong squad leader at nagsuko ng matataas na uri ng baril sa San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maj. Jekyll Dulawan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na ang mga sumukong rebelde noong June 30, 2021 ay mga miyembro ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).
Kabilang sa mga sumuko ang isang team leader ng Squad uno, Squad Dos, Squad Tres, Supply Officer at regular na miyembro ng RSDG.
Grupo aniya ito ng namatay na kumander ng rebelde na si ka Yuni sa San Gauillermo, Isabela.
Nagsuko naman ang mga ito ng mga armas na 1 M653 Rifle Elisco, 1 M14 rifle, 2 M16 rifles, 1 cal. 38 revolver, 12 piraso ng Improvised Explosive Devices (IEDs), 5 magazine ng M14, mga bala ng M14 at 1 bandolier.
Ayon pa kay Maj. Dulawan, noong July 2 ay may anim ding dating rebelde at tagasuporta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nagsuko ng 3 M1 Garand Rifle, 1 homemade shotgun, 1 357 caliber pistol revolver, 6 na garand ammunition clip, 32 pirasong bala ng garand rifle, at 3 bala ng shotgun sa barangay Disulap sa bayan pa rin ng San Mariano.
Aniya, bunga ito ng tuluy-tuloy na combat operation at pakikipag-ugnayan ng mga kasundaluhan sa mamamayan.
Malaki aniya ang epekto nito sa grupo ng mga rebeldeng kumikilos sa lambak ng Cagayan.
Tiniyak naman niya magpapatuloy ang kanilang mga programa para sumuko na ang mga natitira pang NPA sa mga kabundukan.
Sa ngayon ay pinoproseso na ang mga kailangang dokumento upang makuha ng mga sumuko ang tulong pinansyal na magmumula sa programa ng pamahalaan na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para sa kanilang pagbabagong buhay.










